Beteranong mamamahayag pumanaw
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Pumanaw na ang beteranong mamamahayag na si Jose Pavia sa UERM Hospital dahil sa lung cancer.
Naulila ni Pavia, 72, ang kanyang may-bahay na si Lolly, inang si Dahlia, mga anak na sina Jose Romulo, Jose Gerardo, Jose Antonio, Dodi, Pinky, Plock-lick, Jose Ricardo at si Joey; mga manugang at apo.
Kasalukuyang nakahimlay ang kanyang mga labi sa Arlington Chapel sa Quezon City kung saan nakatakdang ihatid sa huling hantungan sa Loyola Memorial Park.
Si Pavia ay naging executive director ng Philippine Press Institute (PPI), taga-pangulo ng Freedom Fund for Filipino Journalist (FFFJ), at publisher at editor-in-chief ng Mabuhay, isang lingguhang pahayagan sa Bulacan simula pa noong 1980.
Isa rin siya sa miyembro ng November 23 Movement at ng Christians in Media na samahan ng mga Kristiyano sa larangan ng pamamahayag.
Nagsimula ang career ni Pavia bilang campus journalist sa Ateneo De Manila University kung saan hindi pa siya nakakatapos ng kolehiyo ay hinikayat ng isa pang beteranong mamamahayag na si Fred Rosario sa pagtatatag ng lokal na pahayagan sa Quezon City noong huling bahagi ng dekada 50.
Sa mga workshop ng PPI hinggil sa civic journalism, iisa ang payo ni Pavia sa mga kalahok: “Do your job extra-ordinarily well.”
- Latest
- Trending