CEBU CITY, Philippines – Trahedya ang sinapit ng mag-asawang Koreano na nagbabakasyon sa bansa matapos na matagpuang patay sa dalampasigan ng Barangay Proper sa Hilantagaan Island, Sta. Fe, Cebu kamakalawa ng hapon.
Sina Myung Kyu Jang, 28, at Hyejung Jang, 31 ay kapwa natagpuan ng mga mangingisda na nakalutang sa dagat na may ilang metro ang layo sa dalampasigan ng Hilantagaan Island.
Lumilitaw na nagsimulang mag-island-hopping ang mag-asawa na lulan ng pump boat ni Uriel Mahipos bandang alas-8:30 ng umaga kung saan dumaong sa nasabing isla para mananghalian.
Ayon kay Mahipos, nagpaalam ang mag-asawa na maglalakad sa dalampasigan habang inaayos ang kanilang lunch.
Matapos maiayos ang tanghalian ay hinanap na ang mag-asawa subalit hindi matagpuan sa ilang bahagi ng isla kaya humingi ng tulong si Mahipos sa dalawang mangingisda na sina Arturo Jumola, ex-Hilantagaan barangay captain at Donaldo Martus.
Makalipas ang 30-minuto ay natagpuan ang mag-asawa na nakalutang sa dagat na may ilang metro ang layo sa isla kung saan kaagad na dinala sa Bantayan District Hospital subalit idineklarang patay.
Ipinagbigay-alam na ng pulisya sa Korean Embassy ang naganap na trahedya sa mag-asawa. Joy Cantos