Zambales Mango Festival pinaigting
ZAMBALES ,Philippines – Hinikayat ni Zambales Gov. Hermogenes Ebdane Jr. ang mga exporter sa industriya ng mangga na paunlarin pa ang kani-kanilang produkto upang maabot ang malalayong bansa sa Europa. Sa pagbubukas ng 12th annual Zambales Mango Festival kung saan naging panauhin ang chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food na si Senador Francisco Pangilinan, nanawagan si Ebdane na paigtingin pa at ibandera ang pinakamatamis na prutas ng lalawigan. “Hindi na dapat nagkokompetensya ang mga probinsya sa kung sino ang may pinakamatamis na mangga bagkus pagtuunan na lamang ng pansin ang packaging nito pangmatagalan upang maiparating sa malalayong bansa sa Europa,” pahayag ni Ebdane.
“Sa pamamagitan ng taunang mango festival ay naisusulong ng provincial government ang promosyon ng ating lokal na industriya ng pagma-manga,” dagdag pa ni Ebdane.
Base sa 1995 Guinness Book of World Record, natala ang locally-grown Carabao Mango (Magnifera indica) ang pinakamatamis sa buong mundo kumpara sa mga manga ng iba pang tropical countries. Ang Sweet Elena variety naman ng Sta. Cruz, Zambales ay kinilala ng Bureau of Plant Industry na “sweetest of the sweetest” mula sa 10 local strains na rehistrado at rekomendado ng National Seed Industry Council.
- Latest
- Trending