AJ Perez utas sa killer bus

MANILA, Philippines - Napaaga ang salubong ni kamatayan kay television young actor/model AJ Perez habang limang iba pa ang nasugatan makaraang sumalpok ang kanilang van sa kasalubong na pampasaherong bus sa bayan ng Moncada, Tarlac kahapon ng madaling-araw.

Nagawa pang maisugod sa Rayos Valentine Hospital sa bayan ng Paniqui, Tarlac ang aktor subalit idinekla­rang patay dahil sa matinding pinsala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Habang ginagamot naman sa nabanggit na ospital ang driver ng Nissan van na si Christopher Bautista, 35, ng Manggahan, Quezon City; kasama sina Cristina Ferrer, 25; Edwin Pitilos, 28; Gerardo Perez (tatay ni AJ), 46; at si Danylyn Dunga, 31.

Sa inisyal na ulat ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na lulan ng Nissan Urvan (PIG-630) ang 18-anyos na actor o si Antonello Joseph Sarte Perez sa tunay na buhay, kasama ang limang iba pa nang naaksidente sa McArthur Highway sa hangganan ng Barangay San Julian at Barangay San Lucia sa bayan ng Moncada, Tarlac ganap na alas-12:10 ng madaling-araw.

Ayon naman kay P/Chief Insp. Augusto Pasamonte, hepe ng Moncada PNP, patungo na ng Maynila ang mga biktima matapos mag-show sa Dagupan City sa Pangasinan kasabay ng Bangus Festival nang nag-overtake ang Nissan Urvan sa 10-wheeler truck (AEM -153) ni Floren Agradi, 48, ng Nangalisan, Laoag City.

Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakasalubong ang Partas Bus (UVA-880) na minamaneho ni Julie Brillantes, 44, ng Patucannay, Benquet.

Sa lakas ng impact ay bumangga ang van sa 10-wheeler truck ni Agradi.

Kasalukuyang nakapiit sa Moncada PNP ang drayber ng bus habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Si AJ Perez na isinilang noong Febrero 17, 1993 at kasalukuyang varsity basketball player sa Dela Salle University sa Greenhills, San Juan ay nadiskubre ng ABC-CBN matapos ang isang TV commercial.

Kasama si AJ sa mga sumisikat na artista sa po­pular na ABS-CBN drama series na Sabel.

Kasunod nito, nagde­sisyon naman ang mga magulang ni AJ na i-donate ang cornea ng young actor sa blind singer na si Fatima Soriano, ayon kay Eric Salut, head ng ABS-CBN AdProm.

“For those love my son his remains will be in La Salle Greenhills the school he love so much starting today until Tuesday pm we might his body on Christ King on Tuesday na din please be there for him,” mababasa sa Twitter page na idinagdag ng kanyang mga magulang.

Nakatakda sanang simulan ni AJ ang episode na “Maalaala Mo Kaya” sa Abril 30 kung saan nailagay pa ni AJ sa Twitter ang mga huling katagang - “On the way home already from Dagupan. Long drive ahead..Thanks to everybody who watched…” 

Show comments