Misis pinatay, inilibing ni mister

ALABAT,QUEZON ,Philippines —Nangangamoy na ang isang 36-anyos na misis  nang matagpuan matapos na mawala ng halos isang linggo makaraang diumano'y paslangin ng sarili nitong asawa sa Brgy. Bacong ng bayang ito, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Marife Villafranca, samantalang nasa kustodya ngayon ng lokal na pulisya ang suspek na si Ruelo Villafranca, 31.

Ayon kay PO2 Isidro Realubit, humingi ng tulong sa kanilang himpilan ang ina ng biktima na si Gng. Rosalia Diaz upang hanapin ang anak at magpatulong na rin sa pag­huhukay sa isang parte ng niyugan na pinanggagalingan ng masangsang na amoy.

Nang hukayin ang lupa na natatakpan ng mga dahon ng niyog ay nadiskubre ang naaagnas ng bangkay ng biktima na nakabalot pa sa kobre kama. Positibong kinilala ang biktima sa pamamagitan ng suot nitong itim na pantalon at puting t-shirt.

Nakapiit sa municipal jail ang suspek at kinasuhan ng parricide.

Show comments