CALAPAN CITY, Oriental Mindoro, Philippines – Labinsiyam sa 39 na pasahero ang iniulat na nasugatan matapos sumabog at tumagilid ang pampasaherong bus sa highway na sakop ng Sitio Calauag, Barangay Lumangbayan sa Calapan City, Oriental Mindoro kahapon ng madaling-araw. Ayon kay P/Supt. Christopher Abecia, hepe ng Calapan City PNP, lulan ang mga biktima ng Ceres bus (DXU- 921) ni Darly Dave Lim nang sumabog ang unahang gulong nito kung saan sumadsad bago tumagilid. Isinugod sa Maria Estrella Hospital sa Calapan City ang mga biktima kung saan apat-katao ang nanatiling ginagamot habang ang iba naman ay nag-uwian matapos ang medical check-up. Napag-alamang papuntang Calapan City ang bus mula sa Iloilo nang maaksidente. Sumuko naman ang drayber ng bus para harapin ang isasampang kaukulang kaso.