VIGAN CITY, Ilocos Sur, Philippines – Nagmistulang war zone ang loob ng provincial capitol matapos magbarilan ang barangay chairman at isang pulis na kapwa bumulagta noong Lunes ng tanghali.
Kinilala ni P/Senior Supt. Eduardo Dopale, ang dalawang namatay na sina Chairman Willie Terrago ng Barangay Daclapan, Cabugao at SPO1 Rommel Rebuldela, nakatalaga sa himpilan ng pulisya sa Ilocos Sur at kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Lumilitaw na nagkasalubong ang dalawa sa gusali ng kapitolyo na sinasabing kapwa may kinikimkim na galit sa isa’t isa. Dito na sumiklab ang barilan kung saan nagpulasan ang mga kawani at residente sa takot na madamay.
Ayon sa police report, tinamaan ng ligaw na bala ng baril ang isang kawani ng Vigan City Hall na si Anabel Tabaniag kung saan nagpapagaling sa ospital.
Tinutugis naman ng pulisya ang tumakas na escort ni Chairman Terrago na may bitbit na M16 Armalite rifle at sinasabing bumaril din kay SPO1 Rebuldela.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya.