Cafgu todas sa pulis

QUEZON , Philippines  — Napaslang ang isang miyembro ng Cafgu matapos na makipagbarilan sa pulisya sa Barangay Bilucao sa bayan ng Pitogo, Quezon kamakalawa ng umaga. Kinilala lamang ng pulisya ang napaslang na si Alyas Ruel kung saan inaalam pa kung saan ito nakatalaga. Ayon kay PO2 Ricardo Flores, lumilitaw na namataan ang suspek na armado ng baril sa bahay ng kanyang live-in partner na si Jonnalyn Borilla. Nang puntahan ng mga pulis ang bahay ni Borilla ay nagpakilalang Cafgu si Ruel subalit hinanapan ito ng papeles kaugnay sa bitbit nitong baril. Dito na tumakas si Ruel habang nirerekisa ang mga papales ng kanyang baril kung saan nagkahabulan at nagkaputukan hanggang sa mapatay ni PO1 Brainard Tanola si Ruel.

Show comments