11 kidnapper, todas sa shootout
MANILA, Philippines - Napaslang ang isang lider ng isang notoryus na kidnapping for ransom gang at sampung iba pa kabilang ang anak nito habang dalawa namang pulis ang nasugatan sa shootout sa Brgy. Kaliantana, Naga, Zamboanga, Sibugay noong Huwebes.
Kinilala ni Director Felicisimo Khu, Chief ng Directorate for Police Operations -Western Mindanao ang napatay na lider ng KFR gang na si Kamsa Asdanal, dati ring Commander ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front; anak nitong si Omar Asdanal alyas Polis. Inaalam naman ang mga pangalan ng siyam na nasawing tauhan ni Asdanal.
Ang dalawang nasugatang pulis ay nakilala namang sina Sr. Inspector Philmore Demagat, nilalapatan na ng lunas sa Ipil Provincial Hospital habang si PO1 Jesus Dumadaog ng Zamboanga Provincial Public Safety Company (ZPPSC) ay inilipat naman sa Zamboanga City Medical Center bunga ng maselan nitong kondisyon.
Sinabi ni Khu na bandang alas-9 ng umaga ng magsagawa ng operasyon ang pinagsanib na elemento ng pulisya at Army’s 18th Infantry Battalion sa Brgy. Kaliantana ng nasabing bayan upang isilbi ang warrant of arrest laban kay Asnadal na wanted sa double murder at attempted murder. Samantalang bagaman marami itong kinasasangkutang kaso ng kidnapping-for-ransom ay takot naman ang pamilya ng mga biktima na magsampa ng kaso sa pangambang buweltahan ng grupo.
Gayunman sa halip na sumuko ay nakipagpalitan ng putok ang grupo ni Asdanal sa security forces na nauwi sa madugong shootout sa pagitan ng mga kidnapper at ng puwersa ng pamahalaan.
Nabatid pa na ang grupo rin ni Asdanal ang responsable sa serye ng kidnapping-for-ransom sa Zamboanga Peninsula kabilang ang pagdukot sa nursing student na si Maria Cris Cuartocruz na dinukot noong Disyembre 14, 2010 at pinalaya matapos magbayad ng P1.3 M ransom.
Bukod dito ay sangkot rin ang mga ito sa talamak na extortion activities sa Zamboanga Peninsula kabilang ang pambibiktima sa mga bus companies at maging sa mga lokal na mangingisda.
Narekober sa pinangyarihan ng sagupaan ang dalawang M14 rifle, isang M16 rifle, isang M79 rifle at sari-saring mga bala.
- Latest
- Trending