Holdap: P5M halaga ng alahas limas

MANILA, Philippines - Umaabot sa P5 milyong halaga ng mga alahas ang nalimas makaraang holda­pin ng anim na motorcycle-riding robbers ang mga kawani ng bahay-sanglaan sa paanan ng Marcelo B. Fernan Bridge sa Lapu-Lapu City, Cebu kamaka­lawa ng hapon.

Ayon sa police report, ang tatlong kawani ng M. Lhuiller Pawnshop ay galing sa airport mula sa kani-kanilang sangay sa Cagayan de Oro at Ozamis City na sinasabing may dalang mga alahas na dadalhin sana sa kanilang main office sa North Reclamation Area sa Cebu City.

Lulan ng Toyota Innova sina Manuel Quiero Jr, regional manager; Cesar Lisondra Jr., area manager; Antonio Bueno, Agustin Wagas, area manager; Grace de Gracia, area manager; at ang branch ma­nager na si Abbis Ares nang harangin ng isang Starex van pagsapit sa paanan ng tulay kaya napilitang ihinto ng driver na si Mariolito Obenita.

Ang mga biktima ay pawang kawani ng Opus Pawnshop na kabahagi ng M. Lhuiller Pawnshop.

Dito na pinaligiran ng anim na 'di-kilalang lalaki na lulan ng tatlong motorsiklo ang Toyota Innova kung saan isa sa mga holdaper ang bumasag ng windshield ng sasakyan.

Bukod sa P5 milyong halaga ng mga alahas ay nalimas din ang dalawang laptop, cellular phones at P10,000 cash.

Sinisilip ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Anthony Obenza, director ng LCPO, ang anggulong inside job.

Narekober naman ng mga tauhan ni P/Insp. William Homoc ang isa sa tatlong motorsiklo sa harapan ng shopping mall sa Cebu City. Joy Cantos at Freeman News Service

Show comments