BATANGAS, Philippines – Sinampahan na ng kasong murder ang anim na pulis-San Juan matapos mapatay ang kanilang kabarong pulis sa naganap na shootout sa loob mismo ng presinto sa bayan ng San Juan, Batangas noong April 1 ng hapon.
Nakapiit sa Batangas Provincial Jail sina SPO2 Ruel Chavez Dimaano, SPO1 Eddie Bautista, PO2 Rolando Rallos, PO2 Edwin Morete, PO1 John James Fajutag, at PO1 Robert Balita na pawang naka-assign sa San Juan PNP station.
Ayon kay P/Senior Supt. Alberto Supapo, Batangas police director, ang anim na pulis ay itinuturong nakabaril at nakapatay sa kapwa pulis na si SPO1 Alejandro Samarita, 47, ng Barangay Laiya-Ibabaw, San Juan.
Nag-ugat ang barilan matapos maaresto si Ronnie Valdez dahil sa pagdadala ng baril habang nagaganap ang land dispute sa pag-aaring lupa ni Butch Campos sa Barangay Laiya-Ibabaw.
Dinala ng arresting team si Valdez sa Police Assistance Center (PAC) sa Barangay Laiya Ibabaw para imbestigahan nang dumating si SPO1 Samarita.
Sinasabing inaarbor ni SPO1 Samarita ang inaanak nito sa kasal na si Valdez mula sa kustodiya ng mga kasamang pulis subalit tinanggihan ang pakiusap hanggang sa magkainitan sina SPO2 Dimaano at SPO1 Samarita na nauwi sa barilan kung saan sinasabing nakisawsaw na rin ang limang pulis sa barilan.
Sugatan naman si SPO2 Dimaano matapos tamaan sa kanang hita na kasalukuyang ginagamot sa NL Villa Hospital.
Sinibak naman ni Calabarzon PNP director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao ang chief of police ng San Juan PNP na si P/Supt. Jonathan Tangonan kung saan ipinalit na officer-in-charge si P/Supt. Isagani Fetizanan habang nagsasagawa ng imbestigasyon. Arnell Ozaeta at Joy Cantos