17 dedo sa Palawan diarrhea outbreak
PALAWAN , Philippines – Umaabot na sa labimpito-katao mula sa tribong Palo-an ang iniulat na namatay habang aabot naman sa 100 ang nakaratay matapos tumama ang diarrhea outbreak sa mabundok na barangay ng Bataraza sa Palawan, ayon sa mga health official.
Sa panayam kay Palawan Health Officer Dr. Edwardo Cruz sa telepono, kinumpirma nito na 17 residente ng Sitio Apad-Apad, Barangay Culandanum ang namatay dahil sa matinding pagtatae mula noong March 15 hanggang sa kasalukuyan.
“Kinumpirma ng aming medical specialist na si Dr. Louie Ocampo at Bataraza Municipal Health Officer Dr. Juan Mabutas ang diarrhea outbreak kung saan 17 na nga ang namamatay,” ani Dr. Cruz.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Aromina Cangan, 24; Jesuloina Cangan,1; Nursadin Enyong, 2; Belina Enyong, 3; Esradi Enyong, 4; Jun Enyong, 2; Kolap Enyong, 3; Anabon Das, 50; Toto Kondong, 3; Norlito Kondong, 3; Tulina Busnal, 15; Toto Sibuto, 15; Nolina Kondong, 4; Toto Limato, 2; at si Nena Limato, 3; habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa.
Gayon pa man, inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng diarrhea outbreak kung galing sa tubig o sa mga kinain ng mga biktima.
Inamin ni Dr. Cruz na nahihirapan sila sa pagkalap ng impormasyon dahil sa liblib na lugar ng sitio at kinakailangan pang lakarin ng apat hanggang limang oras para marating ito.
Samantala, nag-utos na si Dr. Cruz na magsagawa ng information dissemination sa mga kalapit barangay kaugnay sa outbreak at magbigay na rin ng mga gamot sa mga tinamaan ng sakit.
Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang mga pagkakakilanlan ng mga nasawi kung saan karamihan sa mga katutubo ay hinihila ng karusa pababa sa bundok habang ang iba naman ay inililibing na lamang sa gubat.
Samantala, nagsipagtago naman ang mga katutubo sa kuweba ng akyatin ng mga opisyal ng municipal health office dahil hindi naniniwala sa modernong uri ng medisina.
“Kahit anong gawing paliwanag at pagpapaunawa sa mga katutubo tungkol sa diarrhea ay nagmamatigas na tumangging uminom ng gamot at mas mainam pa raw ang mamamatay bunga ng katutubong paniniwala,” anang opisyal sa ipinadala nitong mensahe.
“Nagulat din kami nang malaman namin ang balita kamakalawa lang, kung maaga lang sanang ipinaalam sa amin sana nakagawa na kami ng aksyon para hindi na dumami pa ang mga naapektuhan,” pahayag naman Dr. Ocampo
Nabatid na ang bayan ng Bataraza ay mararating sa layong 225 kilometro mula sa Puerto Princesa City, Palawan.
Matatandaan na naunang magka-diarrhea outbreak sa Palawan noong 2004 kung saan daan-daang residente ng munisipyo ng Rizal at Bataraza ang iniulat na nasawi, sinundan noong 2006 sa pareho ding lugar nagkaroon muli ng diarrhea outbreak at ito ang ikatlong insidente.
- Latest
- Trending