6 ektaryang kagubatan nasusunog

NORZAGARAY, Bulacan  ,Philippines —Libu-libong mga puno na may iba’t ibang klase na nakatanim sa anim na ektaryang kagubatan dito ang patuloy na nasusunog sa bayang ito, ayon sa ulat kahapon. Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na inaapula ng mga kagawad ng Forest Fire Quick Response Team ng pamunuan ng NAPOCOR  na nakakasakop sa Angat Watershed Area sa Sitio Suha, Brgy. San Mateo sa bayang ito kung saan ang sunog ay nagsimula noon pang Martes. Ayon kay Emmanuel Umali, manager ng Watershed Department ng naturang kumpanya naapektuhan na din ang ilang ektaryang reforestation area na kanilang itinayo kung saan hindi bababa sa apat na taong gulang ang mga nakatayong puno sa naturang lugar. Nabatid din na ang mga karaniwang negosyo ng mga residente sa lugar na ito ay ang pagsusunog ng mga punongkahoy na ginagawang uling saka ibinebenta sa mga pamilihang bayan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Show comments