Rizal ,Philippines — Isang negosyante ang tinangayan ng sasakyan, pera at mahahalagang gamit ng tatlong lalaking umano’y miyembro ng ‘Pulis Patrol’ sa bayan ng Cainta, kahapon ng madaling-araw.
Batay sa reklamo sa Cainta Police Station ng biktimang si Ericson Dorado, 25, may-asawa at residente ng Building 3, D-13 Bayani St., Bahay Ciudad, Quezon City, dakong ala-1:30 ng madaling-araw kahapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Felix Avenue sa Barangay Sto. Domingo, sa Cainta.
Ayon sa biktima, pinara siya ng tatlong lalaki na magkakaangkas sa motorsiklo, na pawang nakasuot ng mga t-shirt na may tatak na “Pulis Patrol,” at armado ng mga baril.
Habang nakatutok ang baril, inutusan umano ng suspek ang biktima na buksan ang pintuan ng kaniyang Toyota Innova (FYI-307), saka kaagad na sumakay ang dalawa sa mga ito.
Kinumander umano ng mga suspek ang kaniyang sasakyan at saka iginapos ang biktima matapos na kunin ang kaniyang wallet na naglalaman ng P2,000, dalawang cell phone at relo. Ang kasong ito ay iniimbestigahan na ng mga awtoridad.