CAMARINES NORTE, Philippines — Umaabot sa 3,000 residente sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte ang nabiyayaan ng medical and dental mission hatid ng Provincial Mobile Service Caravan sa pangunguna ni Camarines Norte Governor Edgardo "Egay” Tallado.
Kasabay nito ay bumisita sa Camarines Norte si DSWD Sec. Corazon “Dinky” Soliman, kung saan pinapurihan nito ang performance ni Governor Tallado.
“Bilib talaga ako kay Governor dahil sa halip na ang tao ang lumapit sa kapitolyo, ang kapitolyo ang pumupunta sa mga tao,” pahayag ni Sec. Soliman.
Sa panayam ng PSNGAYON kay Gov. Tallado, aniya unang pinasimulan ang service caravan sa bayan ng Jose Panganiban kung saan nabiyayaan ang mga residente ng libreng gamot, kabuhayan at agrikultura katuwang ang First Lady na si Josie Tallado na nagbigay naman ng libreng gupit at hot oil.
Namahagi rin ang provincial government ng libreng wheelchair sa mga may kapansanan katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO)
Nagpasalamat naman si Mercedes Mayor Alex Lo kay Gov. Tallado sa malaking oportunidad na ibinigay sa kabila ng hindi sila magkapartido ay nagawang ibuhos ni Tallado ang tulong sa kanyang mga kababayan na ang pangunahing pinagkakakitaan ay ang pangingisda.