MANILA, Philippines - Isiniwalat kahapon ng Philippine National Police na ginagawang bagsakan ng bawal na droga ng international drug syndicates ang karagatang sakop ng Palawan.
Dahil dito, ipinag-utos ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo ang deployment ng mga gunboats ng PNP sa tatlong pangunahing sealanes ng Palawan upang harangin ang anumang kahina-hinalang operasyon ng sindikato.
Ayon naman kay P/Chief Supt. Francisco Don Montenegro, director ng PNP Maritime Group, ang mga gunboat ay pagpapatrulya sa Balabac Strait sa katimugan, Linapacan Strait sa Northern Palawan at ang bisinidad ng Busuanga Island sa Mindoro Strait.
Samantala, kabilang rin sa tututukan ng patrol gunboats ang piracy, terorismo, intrusyon, smuggling, poaching, human trafficking at paglabag sa environmental law sa karagatan ng Palawan.
Magugunita na noong Agosto 2010 ay tumanggap ang PNP ng 31 footer police gunboats na donasyon ng US government.