P4M ari-arian ng paaralan naabo
SAN SIMON, Pampanga, Philippines — Dahil sa faulty electrical wirings at kawalan ng fire truck ay naabo ang P4 milyong halaga ng ari-arian matapos masunog ang anim na silid-aralan sa bayan ng San Simon, Pampanga noong Sabado ng hapon.
Walang iniulat na nasaktan sa nasabing sunog na tumupok sa Assumpta Technical School sa di-kalayuan sa San Simon Toll Plaza ng North Luzon Expressway, ayon kay Fire Senior Insp. Rodel Emmanuel.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog na nagsimula bandang alas-4 ng hapon at naapula bandang alas-6 ng gabi.
Ayon naman kay Sister Josefina Magat, kinatawan ng nasabing paaralan, nagsimula ang sunog habang hinihintay niya ang kapwa madre para sa pagpupulong nang nakarinig siya ng mga sigawan papalabas ng isa sa mga kuwarto.
Ayon sa mga saksi, kung mayroon lamang fire truck ang bayang ito ay agad sanang naapula ang apoy at hindi na natupok ang nasabing gusali.
Kaagad naman dumating ang mga bumbero ng kalapit-bayan ng Minalin, Apalit at ang bayan ng Sto. Tomas. Humabol din ang fire truck ng Fil-Chinese volunteer na mula sa Binondo, Manila upang tumulong sa pag-apula ng sunog.
Inamin naman ni Coun. George Carino na nawasak ang fire truck ng bayan ng San Simon at kailangan ang pondong P165,000 para maipagawa ito.
- Latest
- Trending