BULACAN, Philippines – Dalawa-katao ang dinakma ng mga operatiba ng pulisya matapos masamsaman ng 652 kilong botya ng baboy sa PNP checkpoint sa Barangay Muzon sa San Jose Del Monte City, Bulacan kahapon ng umaga. Pormal na kinasuhan sina Antonio Marquez 50, drayber; at Nestor Taller, 49, kapwa nakatira sa Barangay San Vicente sa Bayan ng Sta. Maria, Bulacan. Sa police report na nakarating kay P/Supt. Rodolfo Hernandez, nasabat ang closed van (WRA-908) na may lulang double dead na baboy na may timbang na 652 kilo na nagkakahalaga ng P104,320. Ayon sa pulisya, ang nabanggit na botya sa Springside Farm sa Angeles City, Pampanga at pag-aari ni Robert So. Nabatid pa na dadalhin sana ang kilu-kilong botya sa Brgy. San Vicente sa bayan ng Sta.Maria saka dadalhin sa Metro Manila.