BATANGAS, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa dating bise alkalde matapos tambangan ng motorcycle-riding assassins kahapon ng umaga sa bayan ng Alitagtag, Batangas.
Kinilala ni P/Senior Insp. Michael Encio, Alitagtag police chief ang napaslang na si Noriel Salazar, 49, ng Barangay San Jose at dating vice mayor ng bayan ng Alitagtag noong 2007 hanggang 2010.
Base sa tala, si Salazar ay lumahok sa mayoralty race noong 2010 elections subalit tinalo ni Mayor Tonton Andal at naging pangulo ng employees union ng Coco Chem Corporation sa bayan ng Bauan, Batangas si Salazar.
Lumilitaw na inihatid ni Salazar ang kanyang misis sa pinagtatrabahuhan nitong banko sa Poblacion East.
Papaalis na sana si Salazar sa tapat ng banko lulan ng Toyota Lite Ace van (UAT-112) nang lapitan at ratratin bandang alas-8:45 ng umaga.
Batay sa mga saksi, tumakas ang gunmen sakay ng Kawasaki motorcycle patungo sa direksyon sa Barangay Pinagkurusan junction.
Isinugod pa si Salazar sa Taal Polymedic Hospital subalit idineklarang patay bandang alas-11:40 ng umaga dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo habang patuloy naman ang imbestigasyon. Arnell Ozaeta, Ed Amoroso at Joy Cantos