QUEZON, Philippines — Namatay habang ginagamot sa ospital ang isang 57-anyos na doktora habang sugatan naman ang kanyang mister na doktor matapos ratratin ng motorcycle-riding gunmen sa Maharlika Highway ng Barangay Lusacan sa bayan ng Tiaong, Quezon, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/Senior Supt. Atty. Erikcson Velasquez, Quezon PNP director, nasawi si Dra. Maria Paz Paredes habang ginagamot naman San Pablo Medical Center si Dr. Rodolfo Paredes, 57, opisyal ng Candelaria Doctors Hosptial at kapwa nakatira sa Efarca Subdivision sa Barangay IV-A, San Pablo City, Laguna.
Si Dra. Paredes ay tinamaan sa kaliwang dibdib at braso habang ang mister na doctor ay tinamaan sa dibdib at kamay.
Sa imbestigasyon ni PO1 Francisco Almazan Jr., lulan ng KIA Carnival (XAW-265) ang mag-asawa nang pagbabarilin sa Maharlika Highway patungo sa San Pablo City.
Inihinto ni Dr. Paredes sa gilid ng highway ang sasakyan gayon pa man ay bumalik ang gunmen at muling niratrat ang mag-asawang doktor saka tumakas patungo sa hindi malamang direksyon.