Katiwala sa shop nilikida

BULACAN, Philippines – Binaril at napatay ang isang katiwala sa computer shop sa panibagong karahasang naganap sa Barangay Lias sa bayan ng Marilao, Bulacan kamakalawa ng hapon. Nasapol sa mukha si Jayson Bautista, 24, tubong Bustos, Bulacan at kawani ng MJ@Ian.net Internet Shop sa nabanggit na barangay. Sa imbestigasyon ni PO1 Jeneben Cating, lumilitaw na abala si Bautista sa loob ng shop nang lapitan at barilin ng ’di-pa kilalang lalaki. Ayon sa pulisya, hindi pagnanakaw ang motibo ng pamamaslang dahil hawak pa ng biktima ang pera na binibilang mula sa kaha. May teorya ang pulisya na paghihiganti ang isa sa motibo dahil sangkot ang biktima sa pananaksak sa kanilang barangay noong Abril 2010.

Show comments