RIZAL ,Philippines – Patay na nang matagpuan ang mag-ama na unang iniulat na nawala sa lawa ng Laguna habang sakay ng bangka sa bayan ng Binangonan, Rizal kamakalawa ng umaga.
Nakilala ang mag-ama na sina Alipio Aragoncillo at Melody, 8, kapwa nakatira sa Barangay Sapan, Talim Island, Binangonan.
Batay sa police report, lumilitaw na naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa lawa ng Laguna sa Barangay Sapan.
Ayon kay Abelino Disclar, kasalukuyan niyang inihahanda ang mga kahoy sa bangkang de motor para ibiyahe sa Laguna nang lumapit ang mag-ama at nakiusap na makiangkas.
Dahil sa maliit ang bangka, tinanggihan ni Disclar ang pakiusap ng mag-ama subalit kalaunan ay napapayag din siya dahil sa awa sa mga ito.
Gayon pa man, habang nasa kalagitnaan ng lawa, biglang umihip ang malakas na hangin kung saan sinabayan pa ng malalaking na alon kaya tumaob ang bangka at tuluyang lumubog.
Nakalangoy naman si Disclar sa pampang ngunit hindi na niya namataan pa ang mag-ama.
Humingi naman ng tulong si Disclar sa mga awtoridad subalit patay na ang mag-ama.