BANGUED, Abra, Philippines – Napaslang ang isang 56-anyos na barangay chairman matapos ratratin ng motorcycle-riding assassins sa panibagong karahasang naganap sa bayan ng Bangued, Abra noong Biyernes.
Tatlong bala ng cal. 45 pistola ang tumapos sa buhay ni Chairman Loreto Barbosa ng Barangay Taping sa bayan ng Dolores habang si Kagawad Helen Bisquera, 38, ay tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang braso.
Samantala, dalawang bystander na sina Perical Benedito, 15, 1st year high school student sa Catholic-run Divine Word College sa Bangued at Jocelyn Masaoay, 21, ng Namarabar, Pennarubia ay tinamaan sa kanang tenga.
Si Benedito ay naisugod sa ospital sa Vigan City kung saan inoobserbahan sa Intensive Care Unit habang si Masaoay ay idineklarang out of danger.
Ayon kay Abra police director Senior Supt. Armando Laguiwid, inabangan ng gunmen sina Barbosa at Kagawad Esguera mula sa paglabas sa provincial capital kung saan pinapa-follow-up ang proyekto ng kanilang barangay.
Ayon sa pulisya si Barbosa ay napaulat na “marked for death” dahil sa politika.