Lolo inihagis sa dagat, utas
QUEZON, Philippines — Nalunod at namatay ang isang 70-anyos na lolo matapos na pagkatuwaang ihagis sa dagat ng kanyang tatlong kainuman sa Sitio Kaigayo, Barangay 1 sa bayan ng Catanauan, Quezon kamakalawa ng hapon. Kinilala ng pulisya ang namatay na si Arsenio Soberano ng Barangay 4 habang naaresto naman ang suspek na sina Denmark Gaodines, Mercurio Openda, at Cedick Labordo na pawang nakatira sa bayan ng Macalelo, Quezon. Sa imbestigasyon ni SPO2 Isagani Gonzales, magkasamang nag-iinuman ng alak ang biktima at tatlong suspek sa dalampasigan nang mapagkatuwaan ng mga suspek na ihagis sa dagat ang matanda. Dahil na rin sa kalasingan ng matanda ay hindi ito nakalangoy at tuluyang nalunod. Sinikap naman sagipin ng mga suspek ang lolo subalit namatay din kinalaunan.
- Latest
- Trending