RIZAL, Philippines – Bumulagta ang character actor na si John Apacible matapos na pagbabarilin ng kanyang tiyuhin sa Barangay San Juan sa bayan ng Cainta, Rizal kahapon ng madaling-araw.
Dalawang bala ng baril ang tumama sa dibdib kung saan naisugod pa sa Metro Doctors Hospital subalit idineklarang patay si Apacible (Enrique Apacible sa tunay na buhay), 38, binata, ng #26 Prime Rose Street, Greenland Subdivision sa nasabing barangay.
Nagpaabot naman ng surrender feeler sa pulisya ang suspek na si Armando Rustia, 61, may-asawa, seaman, at residente ng #28 Prime Rose St. sa nasabing subdibisyon.
Sa ulat ni PO2 Andrew Focasan, lumilitaw na nag-iinuman ng alak ang magtiyuhin kasama ang dalawang pinsan ni Apacible nang magsimulang magwala ang biktima dahil sa sinasabing pagkapikon sa tinuran ng tiyuhin.
Nabatid na sinapak ni Apacible ang kanyang tiyuhin kaya pumasok ng bahay at kinuha ang baril sa ikalawang palapag.
Sinasabing nag-warning shot ang suspek upang takutin ang pamangkin, na pilit nitong pinauuwi dahil sa labis na kalasingan.
Hindi naman natakot si Apacible at sa halip ay nagawang magpambuno sa kanyang tiyuhin hanggang sa maganap ang pamamaril na sinasabing nasaksihan naman ng misis ng suspek.
Si Apacible ay dating bold actor kung saan ay naging character actor at lumabas sa mga teleseryeng “Totoy Bato” at “Darna” sa GMA 7 at mga bold films tulad ng “Phone Sex” at horror movie na ‘Shake, Rattle and Roll’.
Isa rin siya sa mga cast ng teleseryeng ‘Minsan Lang Kitang Iibigin,’ na gumanap sa papel na si Lt. Col. Santiago.