Delubyo sa Leyte: 60,000 residente apektado
MANILA, Philippines - Umaabot na sa 10,701 pamilya o halos mahigit 60,000 katao ang apektado ng mga pagbaha at landslide dulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa Visayas Region partikular na sa Tacloban City, Leyte.
Sa report na ipinarating kahapon ni Leyte Governor Jericho Petilla sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa lungsod lamang ng Tacloban City ay nasa 10,701 pamilya o 53,951 katao ang naapektuhan ng mga pagbaha. Ang mga ito ay kasalukuyang kinakanlong sa astrodome ng lungsod.
Samantalang sa mga bayan ng Palo, Tanauan, San Miguel, Tolosa, Mayorga, Julita, Alangalang, Carigara, Dagami, Barugo, Matag-on, Tabango, Abuyog at Javier ay nasa 7,000 pamilya ang naapektuhan ng delubyo ng mga pagbaha at landslide.
Bunga nito ay isinailalim na ni Petilla ang lalawigan ng Leyte sa state of calamity kahapon.
Noong Huwebes ng madaling-araw ay pitong miyembro ng isang pamilya ang nalibing ng buhay sa landslide sa Brgy. Kabalawan, Tacloban City na kinilalang ang mag-asawang sina Marlon at Genita Jordan at lima pa nitong mga anak.
Samantalang nasuspinde rin ang klase sa Tacloban City dahilan karamihan sa mga kalsada dito ay lumubog sa tubig baha.
Iniulat ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos sa 248 pang mga apektadong barangay ay kabilang rin ang Southern Leyte, Eastern at Western Samar, Bohol sa Visayas Region habang sa Mindanao naman ay ang Misamis Oriental at South Cotabato.
Sa lalawigan ng Bohol ay apektado ng mga pagbaha ang mga bayan ng Jagna, Bilar at Dimiao. Isinailalim naman sa state of calamity dahilan sa mataas na tubig baha ang Brgy. Balbalan sa munisipalidad ng Dimiao.
Nasa 10 hektaryang palayan naman ang napinsala ng mga pagbaha sa Bohol habang P31,500 ang inisyal na pinsala sa hayupan sa Brgys Ulaliman, Hinigdaan at Amoros sa El Salvador City, Misamis Oriental.
Patuloy naman ang pamamahagi ng mga relief goods sa mga residenteng naapektuhan ng flashflood at landslide.
- Latest
- Trending