MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-asawa at limang anak nito matapos lamunin ng landslide at flashflood sa Tacloban City, Leyte at Bohol, ayon sa ulat kahapon.
Kabilang sa mga nasawi ay ang mag-asawang Marlon Jordan, 35; at Genita Jordan, 35; mga anak na sina Angelita Jordan, 14; Marita Jordan; John Paul Jordan, John Rey Jordan, 4; at si Hernie Jordan, 3.
Sa ulat na nakarating kay National Disaster Risk Reduction Management Council Executive Director Benito Ramos, ang pamilya Jordan ay magkakasamang natutulog sa kanilang tahanan nang matabunan ng gumuhong putik mula sa kabundukan ng Barangay Cabalawan, Tacloban City dakong alas-2 ng madaling-araw.
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense Eastern Visayas, isa pa ang kumpirmadong nasawi sa hypothermia sa Barangay Apitong, Tacloban City.
Ayon naman sa ulat na nakarating kay Lt. Col. Romeo Brawner Jr., commander ng Army’s 2nd Special Forces, patay din ang magsasakang si Armando Buticario, 56, matapos mahulog sa ilog ng Sierra Bullones, Bohol kamakalawa.
Sa ulat naman ni OCD Regional Director Pepz Pabilona, lumubog sa tubig-baha ang 100 barangay sa Leyte partikular na sa Tacloban City.
Aabot naman sa 248 pamilya (1,240 katao) ang apektado ng flashflood at landslide sa Bohol, Samar, Leyte at El Salvador City sa Misamis Oriental habang sa South Cotabato ay aabot sa 323 pamilya (1,584 katao).