BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Aabot sa 9,000 board feet na iba’t ibang uri ng tabla ang nakumpiska ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation kamakalawa ng madaling-araw sa national highway ng Barangay Bonfal Proper sa bayan ng Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa ulat ni NBI special investigator Rowan Victor Estrellado, ang nasamsam na kontrabando na pawang mga first class na uri ng red at white lauan ay naipuslit palabas sa bayan ng Maddela, Quirino at nakatakda sanang ibiyahe sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.
Inamin naman ng drayber ng delivery van (PWW632) na ni Respicio Busalpac, na walang kaukulang dokumento ang mga tabla.
Ayon sa NBI, ito sana ang ikalawang biyahe matapos maipuslit ang unang delivery noong Biyernes sa isang nagngangalang Susana ng Kapitan Pepe sa Cabanatuan City na siyang itinuturong may-ari ng sasakyan at kontrabando.
Maliban kay Busalpac ay kasamang nasa pangangalaga ngayon ng NBI ay ang pahinante na nakilala sa alyas Roman ng San Jose, Nueva Ecija.