NUEVA VIZCAYA, Philippines – Malagim na kamatayan ang sinapit ng limang sibilyan matapos mag-dive ang kanilang sinasakyang dump truck sa matarik na bangin sa bayan ng Kayapa, Nueva Vizcaya kahapon ng madaling-araw.
Sa phone interview, sinabi ni P/Supt Elmer Beltejar, kabilang sa mga nasawi ay sina Samuel Sacpa, 55, driver at may-ari ng dump truck; Paula Agustin, 55, ng Barangay Kakilingan sa bayan ng Cordon, Isabela; George Omera, 59; Melanio Agayam, 39, ng Itogon, Benguet at si Richard Paguio, 37, ng Diadi, Nueva Vizcaya.
Ayon kay P/Senior Insp. Jeoffrey Bulong, bandang alas-2 ng madaling-araw nang mahulog sa bangin ang berdeng dump truck (UTP 733) sa bahagi ng highway ng Barangay Castillo sa nabanggit na bayan.
Nabatid na ang dump truck na patungong Benguet mula sa Quirino ay may kargang limang toneladang mine tailing (luyot) nang bumulusok sa may 10-15 metrong lalim ng bangin.
Naghihinala naman ang pulisya na nawalan ng preno ang dumptruck sa kurbadang kalsada kaya naganap ang trahedya.
Samantala, nakuha naman ng mga pulis ang pagkakakilanlan sa mga biktima sa pamamagitan ng pagtawag sa mga contact numbers na nasa cell phone na nakuha mula sa nag-iisang babaeng namatay sa trahedya.