OLONGAPO CITY, Philippines — Nakatakdang tumulak ngayon ang humanitarian contingent ng Pilipinas upang tumulong sa mga sinalanta ng lindol at tsunami sa bansang Hapon noong nakalipas na linggo.
Kabilang sa ipadadalang 40-kataong contingent na search, rescue and medical group ay nagmula sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), mga lokal na pamahalaan ng Makati at Pasig gayundin ang pangkat mula sa Philippine Army, Philippine Medical team at Philippine Coast Guard.
Inaasahan na ang grupo ay lalapag sa Yokota Air Base sa Tokyo kung saan sasalubungin sila ng kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA) para ihatid sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Ayon ka SBMA Administrator Armand Arreza, ang eight-man SBMA team ng SBMA Fire Department ay tutulong sa search and rescue operations kung saan bitbit nila ang mga makabagong gamit.
Ang pagbuo sa humanitarian contingent ay batay na rin sa direktiba ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na ipadala ang pinakamahusay na search and rescue team sa bansa upang tumulong sa mga naapektuhan ng lindol at tsunami.