3 pekeng LTO enforcer tiklo sa extortion
MANILA, Philippines - Nalambat ng mga operatiba ng pulisya ang tatlong pekeng traffic law enforcers ng Land Transportation Office ( LTO) matapos maaktuhang nangingikil sa mga motorista sa crossing ng Brgy. Salbo, sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao, ayon sa ulat kahapon. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Nogi Sangkupan, Dagudag Otto at Jimmy Otto habang nakatakas naman ang isang tinukoy na Jeppoy Otto. Bandang alas-4:40 ng hapon may dalawang araw na ang nakalilipas nang masakote ang tatlo ng pangkat ni P/Inspector Greg Soliba. Lumilitaw na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa illegal aktibidades ng mga suspek na nagsasagawa ng LTO checkpoint at traffic law enforcement kahit walang pahintulot at permiso ng LTO. Nasamsam sa mga ito ang isang paso ng LTO temporary operator’s permit (TOP), cash at iba pang paraphernalias at dokumento.
- Latest
- Trending