MANILA, Philippines - Lima-katao ang kumpirmadong nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang sumabog ang bomba na itinanim sa bakuran ng elementary school sa bayan ng Jolo, Sulu kahapon. Sa inisyal na ulat, sinabi ng Armys regional spokesman na si Lt. Col. Randolph Cabangbang, dakong alas-5:20 ng hapon nang sumabog ang bomba sa Salih Ututalam Elementary School sa kahabaan ng Scott Road sa Barangay Lower, San Raymundo. Bunga nito ay nawasak ang 3 traysikel, 3 motorsiklo habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at nasugatan. Nabatid na ang Sulu ay kilalang balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa paghahasik ng terorismo tulad ng pambobomba at kidnapping for ransom.