Magkalaguyo kalaboso

BATANGAS, Philippines – Kapwa naghihimas ng rehas na bakal ang magkalaguyo makaraang maaktuhang ng pulisya sa ilegal na pagtatagpo sa bayan ng San Pascual, Batangas kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni PO1 Nona Villanueva, ang magkalaguyo na sina SFO1 Leonidez Abarentos Ilao, 55, ng Gold Land Subdivision sa Barangay San Antonio, San Pascual, Batangas at miyembro ng San Pascual Fire Department at Leticia Royo.

Ayon sa police report, dumulog sa himpilan ng pulisya ang mister ni Leticia na si Cecilio Royo, 45, tubong Bongabong, Oriental Mindoro para isumbong ang pakikipag relasyon ng kanyang misis kay SFO1 Ilao.

Kaagad naman nagsagawa ng operasyon ang pulisya, sinugod nila Cecilio ang fire station ng San Pascual kung saan sinasabing natagpuan ang hubad pang si SFO1 Ilao habang nasa loob naman ng kuwarto si Leticia bandang alas-1:30 ng hapon.

Kapwa arestado ang magkalaguyo na kasalukyang nakapiit sa himpilan ng pulisya sa bayan ng San Pascual habang inihahanda naman ang kaukulang kaso na isasampa laban sa dalawa.

Show comments