BATANGAS, Philippines – Patay ang isang 28-anyos na misis matapos barilin ng kanyang biyenang lalaki dahil lamang sa awayan sa negosyo sa bayan ng San Juan, Batangas kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. Jonathan Tangonan, hepe ng San Juan PNP ang napatay na si Myra Carla De Villa, photographer at nakatira sa Kalayaan Street, Barangay Poblacion.
Ayon sa police report, bandang alas-2:25 ng hapon nang sugurin si Carla ng kanyang biyenang si Armando De Villa, 68, na isa ring photographer.
Nagtalo ang magbiyenan matapos sulutin ni Carla ang kliyente ni Armando na nauwi sa pamamaril ng matandang De Villa kung saan napuruhan sa ulo ang misis.
Matapos ang pamamaril, tumakas si Armando patungo sa kanyang bahay sa Family Heaven East, Brgy. Lipahan.
Nang sundan ng mga operatiba ng pulisya si Armando ay natagpuan itong nakahandusay sa 2nd floor ng kanyang bahay na may tama ng bala ng baril sa dibdib.
May teorya ang mga imbestigador ng pulisya na maaring nakunsensya ang matanda sa pagpatay ng kanyang manugang kaya nag-suicide.