Jailbreak: 4 preso pumuga
ZAMBALES, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa serbisyo ang pamunuan at mga guwardiya sa Zambales Provincial Jail makaraang makatakas ang apat na preso kamakalawa ng madaling-araw.
Sa ulat ni Provincial Warden Celesteno Malungcut, Jr., kabilang sa mga nakapuga ay sina Ener Dolandolan ng Brgy Taugtog, Botolan (kasong theft); Jessie Bulatao ng Brgy Cagmang, Cabangan (illegal possession of firearms); Lymar Canoza (robbery with homicide) ng Sta. Barbara, Iba; at si Rayzon Cruz (robbery) ng Brgy East Dirita, San Antonio, Zambales. Ayon sa deputy warden na si Emmanuel Buhisan, winasak ang pader sa loob ng palikuran ng selda saka lumabas ang mga preso sa likurang bahagi ng Department of Agrarian Reform.
May teorya ang pulisya na nakalingat ang mga guwardiya kaya naganap ang jailbreak sa pagitan ng alas-2 hanggang alas-4 ng madaling-araw.
Inalerto na ang kapulisan sa iba’t ibang bayan at karatig pook at maging ang pamilya ng mga pugante na himuking sumuko sa lalong madaling panahon.
- Latest
- Trending