Solano, Nueva Vizcaya ,Philippines – Inihayag ng Simbahang Katoliko sa Ifugao na hindi makakatanggap ng sakramento ang isang patay kung mapatunayang nagpapasugal ang mga kamag-anak habang nilalamayan.
Base sa pastoral policy, ito ang naging pahayag ni Rev. Father Valentine Dimoc, director ng social action center ng parish of Lagawe sa Ifugao, bilang pagsuporta ng simbahan laban sa sugal.
Subalit ayon sa ilang residente, marami ang hindi pabor sa pastoral policy dahil karamihan sa mga namamatayang pamilya ay kumukuha ng ilang gastusin sa pasugalan at ang karamihan ay naglilibang lamang upang hindi makatulog at madamayan ang mga nagluluksang namatayan.
“Bakit naman hindi maibibigay ang tamang basbas ng simbahan sa mga patay na may nagpapasugal, kung walang nagsusugal, walang makikiramay," pahayag ni Lakay Humiding.
Subalit sinabi rin ng simbahan na maaring magpasugal pa rin ang mga namatayang pamilya subalit bilang bahagi ng kanilang pagsugpo sa sugal ay hindi naman mabibigyan ng huling sakramento ang naiburol nilang patay bago ihatid sa huling hantungan.