MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga sakay ng isang pampasaherong bus na naantala ang biyahe ng tatlong oras matapos na makatanggap ng text message ang isa sa mga pasahero na may bomba sa loob nito na sasabog na anumang oras sa Cebu kahapon ng umaga.
Dakong alas-6 ng umaga ng isa sa mga pasahero nito na kinilalang si Jennifer Mangubat ang nagsabing nakatanggap ito ng text message mula sa cell phone number 0966704404 habang nakahimpil ang naturang bus sa Brgy. Pakigne, Minglanilla, Cebu.
Dahil dito ay nagsipagpanhik ang mga pasahero kung saan napilitan namang tumawag ng mga pulis ang pangasiwaan ng Ceres Bus Liner na patungong Bacolod City.
Agad nagresponde ang Explosives Ordnance team ng Minglanilla Police na pinababa ang mga pasahero at matapos ang isinagawang pagsusuri sa tulong ng mga K 9 dogs sa nasabing bus ay walang natagpuang anumang eksplosibo.