Trader kinidnap
MANILA, Philippines - Bumanat muli ang mga armadong kidnapper matapos dukutin ang isang negosyanteng babae sa harapan ng tahanan nito sa Zamboanga City kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si Olivia Barredo, nagmamay-ari ng grocery store, hardware shop at pharmacy sa Sitio Lawingan, Brgy. Labuan ng lungsod.
Sinabi ni AFP-Western Mindanao Command Spokesman Lt. Col. Randolph Cabangbang, naganap ang insidente sa harapan ng tahanan ng pamilya Barredo sa nasabing lugar dakong alas-6 ng gabi.
Bigla na lamang sumulpot ang mga armadong kidnapper na agad tinutukan ng baril ang ginang saka kinaladkad patungo sa dalampasigan kung saan isinakay ito sa pumpboat.
Sa kasalukuyan, ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin kung may kinalaman ang mga bandidong Abu Sayyaf sa pagdukot sa ginang. Nagsasagawa na ng follow-up operations ang mga awtoridad sa kasong ito.
- Latest
- Trending