KAMPO ALEJO SANTOS, Malolos City, Philippines — Tatlong kalalakihan na sinasabing notoryus na nagpapakalat ng bawal na droga ang nadakma ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang drug bust operation sa magkahiwalay na barangay sa Malolos City, Bulacan kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Kosain Danding ng Barangay Turo sa bayan ng Bocaue; Bernie Ortiz ng Northville 6, Barangay Santol, Balagtas at si Romeo Batis ng Barangay Tikay, Malolos City. Base sa police report, si Danding ay naaresto sa bahagi ng Brgy. Guinhawa habang sina Ortiz at Batis ay nadakma sa bisinidad ng Barangay San Juan sa bayan ng Balagtas, Bulacan. Ayon kay PO2 Ian Sanchez, ang mga suspek ay nakumpiskahan ng ilang gramo ng shabu, pinatuyong dahon ng marijuana, mark money at motorsiklo na walang plaka.