3 medical worker pinabulagta
SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Tatlong sundalo ng medical team na magdadala ng iba’t ibang uri ng gamot sa mga residente ang iniulat na nasawi habang apat iba pa ang nasugatan makaraang tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army sa liblib na bahagi ng bayan ng Asipulo, Ifugao kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni Lt. Colonel Miguel Puyao Jr., public relations officer ng 5th Infantry Division sa Gamu, Isabela ang mga napatay na sina Corporal Normandy Miravila, Private First Class Norie Cohena at Private First Class Wendell Clemente.
Kabilang sa mga sugatan naman ay sina Private First Class John Paul Gorospe, Private First Class Jonel Canabang, Private First Class lfredo Liclican at Private First Class Frank Liw-agan na pawang mga miyembro ng 86th Infantry “Highlander” Battallion sa Camp Tiger Hill, Baguingey, Kiangan, Ifugao.
Lumilitaw na magsasagawa ng medical mission ang mga sundalo sa pamumuno ni 2nd Lt. Mark Anthony Bernardino nang ratratin ng grupo ni Kumander Casimiro Binayan sa bahagi ng Sitio Ampukuk, Barangay Cawayan.
Nakipagpalitan ng putok ang mga sundalo kung saan tumagal pa sa 5-minuto ang sagupaan bago tuluyang tumakas ang mga rebelde.Mariing kinondena ni Major General Rommel Gomez, commanding general ng 5th ID ang pag-ambush subalit iginiit nito na isusulong pa rin ang kasalukuyang peace talks. (Dagdag ulat ni Artemio Dumlao)
- Latest
- Trending