Batangas, Philippines – Milyong halaga ng mga kemikal at kagamitan ang nasamsam ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang raid sa hinihinalang drug laboratory sa lungsod ng Lipa kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Regional Director Jeffrey Bangsa ng PDEA Region-4A bagamat wala silang naarestong tao sa nasabing raid, nakarekober naman anya sila ng bultu-bultong kemikal at mga gamit sa paggawa ng shabu.
Sa ipinalabas na search warrant ni Judge Amor Reyes ng NCR Judicial Region, Branch 21 ng Manila, sinalakay ng mga miyembro ng PDEA kasama na rin ang mga tauhan ng PNP AIDSOTF (Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force) at Lipa Police ang isang bahay na matatagpuan sa # 1834 Yokohama Street, Sakura Executive Village, Brgy. Maraouy, Lipa City bandang alas-3 ng hapon.
Ayon kay Bangsa, napag-alamang inuupahan ng mga Chinese nationals na sina Benjie Ang, Shun Lee Wang at Shan Lo Wang ang naturang bahay sa halagang P15,000.00 mula pa noong Oktubre 2010.
Narekober sa naturang shabu laboratory ang mga naka kahong sodium hydroxide, hydro iodic acid, barium sulphate, black and white crystalline, dilaw at pulang likido at assorted equipments.