MANILA, Philippines - Nalibing nang buhay ang dalawang metal scrap boys habang isa pa ang grabeng nasugatan matapos maguhuan ng lupa sa mahigit limang talampakang hukay kamakalawa ng gabi sa Brgy. Sto. Domingo, Bay, Laguna.
Kinilala ni Sr. Supt. Gilberto Cruz, Director ng Laguna Provincial Police Office (PPO) ang mga nasawing biktima na sina Regino Manzanilla, 30-anyos; Jomar Ermino, 37; pawang mga scrapboys. Ang mga ito ay idineklarang dead-on-arrival sa Pagamutang Pangmasa ng Laguna.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang isa pa ng mga itong kasamahan na si Ronald Singco na nagtamo ng mga sugat sa katawan sa insidente.
Batay sa report, sinabi ni Cruz na bandang alas-11:30 ng gabi ng makatanggap ng tawag sa telepono ang Bay Police hinggil sa pagkaka-trap ng mga biktima sa hinuhukay ng mga itong lupa sa ECO Asia Compound sa Brgy. Sto. Domingo, Bay ng lalawigang ito.
Nabatid na naghahanap ng scrap metals ang mga biktima sa kanilang hinuhukay nang maguhuan ang mga ito ng bumigay ang lupa sa lugar.