Cop sa sexual harassment vs lady reporter, sinibak
MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto ang hepe ng Talisay City PNP na P/Supt. Henry Binas matapos na asuntuhin ng isang lady reporter ng Cebu Daily News sa kasong sexual harassment noong nakalipas na linggo.
Ito ang kinumpirma kahapon ni police regional office (PRO) 7 director P/Chief Supt. Ager Ontog Jr.
Si Binas ay isinasailalim na sa imbestigasyon sa kasong administratibo kaugnay ng reklamo ng lady reporter na si Carmel Louise Matos.
“Actually he voluntarily requested for his administrative relief while undergoing investigation,” pahayag ni Ontog na agad namang nilapatan ng kaukulang aksiyon ni Cebu provincial police office director P/Senior Supt. Erson Digal.
Samantalang nagsumite na rin ng resignation letter si Binas na nakatakdang desisyunan.
Itinanggi naman ni Binas na hinipo niya ang bra at tinangkang halikan si Matos.
Sinabi rin ni Binas na mas makabubuting bakantehin niya muna ang puwesto habang hindi nalilinis ang kaniyang pangalan kung saan labis na nakaapekto sa kaniyang trabaho at pamilya.
Pansamantala namang itinalaga sa puwestong binakante ni Binas si P/Senior Inspector Francis Deveyra.
Magugunita na noong Pebrero 16 matapos na maganap ang insidente ay nagsumite ng asunto ang lady reporter na sinamahan ng kaniyang legal counsel.
- Latest
- Trending