CAINTA, Rizal ,Philippines — Personal na iniabot kahapon ni Cainta Mayor Ramon “Mon” Ilagan ang P.1 milyong reward sa traysikel driver na nagbigay ng impormasyon sa pagkakadakip ng pangunahing suspek sa Valentine’s Day massacre.
Bukod sa P.1 milyong pabuya, binigyan din ng pabuya ni Mayor Ilagan ang Marinduque PNP ni P/Chief. Insp. Gilmer Manguera ng P30,000 habang tig-P20,000 naman ang ibinigay sa Cainta PNP at Rizal PNP.
Ayon kay Mayor Ilagan, natutuwa siya sa mabilis na pagkakadakip sa suspek na si Fortunato “Jun-Jun” Azibar, 24 kaya bilang ganti ay tinupad naman nito ang ipinangakong reward money.
Sa ngayon, anang Alkalde ay masasabing case closed na ang naganap na krimen matapos aminin ng suspek na mag-isa lamang siyang pumatay sa kanyang tiyuhing si Amado Azibar Sr., 45, misis na si Elizabeth at dalawang anak na sina Amado Jr., 14 at Pritchie, 10.
Lumilitaw na nagdilim ang paningin ng suspek matapos pagsabihan ng maanghang na salita ni Elizabeth kaya niya nagawa ang malagim na krimen.
Nahaharap sa kasong 4-counts of murder at walang piyansang inirekomenda laban sa suspek.