2 may-ari ng junk shop kinasuhan
QUEZON, Philippines – Dalawang may-ari ng junk shop ang dinakip ng pulisya habang tatlong iba pa ang tinutugis kaugnay sa naganap na nakawan sa National Grid Corporation Tower sa Barangay Progreso sa bayan ng Gumaca, Quezon, kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa kinasuhang suspek ay sina Amacor Odono at Federico Saturay habang tugis naman sina Bernardo Escaandor, Manuel Ignacio at si Oliver Nesas na pawang mga nakatira sa Barangay Buensuceso.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Eman Orivida, nagreklamo ang mga lineman ng nabanggit na kompanya dahil sa pagkawala ng mga steel brace ng tower.
Nabatid na ang mga steel brace ay pinagkakabitan ng mga linya ng kuryente na nagsu-supply ng kuryente sa Bicol Region at Southern Luzon kung san malamang na maapektuhan ang daloy ng kuryente sakaling tuluyang mabuwal ang mga tower.
Sa follow-up operation ng pulisya, natagpuan sa dalawang junk shop nina Odono at Saturay ang 65 piraso ng steel brace.
Sinabi ng dalawang junk shop owner na ibinenta lamang sa kanila ng tatlong suspek ang steel brace.
- Latest
- Trending