Calamba mayor rumesbak sa nag-aakusa

LAGUNA, Philippines  — Mariing pina­bulaanan ni Calamba City Mayor Joaquin M. Chipeco Jr. ang akusasyon kaugnay sa sinasabing pakikipagsabwatan sa National Bureau of Investigation para mapagtakpan ang pinaniniwalaang P26.6 milyong maanomalyang transaksyon ng nabanggit na lungsod.

Sa 2-pahinang liham na pinadala ni Mayor Chipeco Jr. ipinahayag nito na ang akusasyon nina Dr. Severino Vergara at Atty. Edgardo Abineles ay may motibong political para sirain ang kanyang pagkatao at reputasyon sa taumbayan. Ipinaliwanag ni Chipeco na “si Dr. Vergara ay tinalo ng aking anak na si Timmy sa congressional race sa 2nd district ng Laguna noong May 2010 elections at sinasabing nagbabalak na muling kumandidato sa 2013 kapag natapos na ang aking ikatlong termino bilang alkalde,” paliwanag ni Mayor Chipeco.

Ipinahayag din ni Ma­yor Chipeco na bukod sa electoral protest ni Dr. Vergara laban sa aking anak ay nagsumite rin ito ng graft complaint sa Ombudsman laban sa akin noong Sept. 2010 pero hanggang sa kasalukuyan ay wala pang opisyal na komunikasyon ang natatangap mula sa Ombudsman kaugnay sa graft complaint.

Sakali man daw na may dumating na opisyal na liham mula sa Ombudsman kaugnay sa nabangit na anomalya ay handa raw harapin at sagutin ni Mayor Chipeco ang lahat ng katanungan tungkol sa fiscal management ng Calamba City.

“Lahat ng pondo ng City Government na ipinalabas at pumasok sa kaban ng bayan para gamitin sa mga proyekto partikular na ang sinasabing P26.6 milyon ay inaprobahan ng Sanggunian Panlungsod ng Calamba.

“Mukhang ginagawang negosyo ng dalawa ang alegasyon para siraan ako at ni NBI Director Magtanggol Gatdula sa mata ng taumbayan,” dagdag pa ni Mayor Chipeco Jr.

Show comments