Relokasyon sa palengke pinamamadali
ZAMBALES, Philippines — Inirekomenda ang agarang relokasyon ng palengke sa bayan ng Iba dahil sa problemang seguridad at kalusugan ng mga mamimili partikular ang kawalan ng permiso ng maraming tindahan.
Ang rekomendasyon ay isinumite kay Iba Mayor Ad Hebert P. Deloso nina Municipal Engineer Ferdinand Ventura, Fire Chief SP03 Virgilio Josafat, Dr. Raul Echipare ng municipal health office at Municipal Budget Officer Senen Bangug.
Base sa pagsusuri ng mga opisyal, nadiskubre na karamihan sa ginagamit na linya ng kuryente sa loob ng lumang palengke ay under size at marami rin ang illegal tapping na sinasabing pagmumulan ng sunog.
Mapanganib din sa kalusugan sa mga namimili sanhi ng kakulangan ng malinis na tubig, kawalan ng basurahan at baradong mga kanal, iisa ang palikuran at maliliit ang espasyo.
Sinasabing walang kaukulang business permit at mayor’s permit ang ilang tindahan sa palengke, kabilang ang sinasabing pag-aari ng Camara Group.
Magugunita na noong Disyembre 2009 ay nasunog ang palengke at idineklara ng munisipyo na mapanganib ang pagtatayo ng anumang istraktura.
Noong Pebrero 9, 2011, muling nasunog ang palengke at isang tindero ang iniulat na nasawi habang aabot naman sa P15 milyong halaga ng ari-arian ang naabo.
Ayon kay Mayor Deloso, inaasahan na mailipat na lahat ng lehitimong market vendors sa bagong palengke bago matapos ang Pebrero upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
- Latest
- Trending