CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nabahiran ng trahedya ang inilunsad na Padyak para sa Kapayapaan, ang peace caravan ng Philippine National Police matapos na mamatay sa cardiac arrest ang hepe ng Pangil, Laguna na kabilang sa mga biker sa Calabarzon na lumahok sa okasyon kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawi na si P/Senior Inspector Argel Guanezo na idineklarang patay sa isang ospital sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas.
Ang Padyak para sa Kapayapaan na 35-kilometer biking caravan ay proyekto ng PNP na naglalayong tuldukan na ang mahigit 4-dekadang communist insurgency na pinangunahan nina PNP Chief Raul Bacalzo at Calabarzon PNP director Chief Supt. Samuel Pagdilao Jr.
Dumalo rin sa opening ng caravan sina Vice President Jejomar Binay at Press Secretary Herminio Coloma.
Ayon sa mga opisyal ng PNP, bandang alas- 6:30 ng umaga nang magsimula ang biking caravan matapos ang seremonya sa tanggapan ng Police Regional Office IV A sa Camp Vicente Lim sa Canlubang, Laguna kung saan naging key points ang iba’t-ibang lugar sa Calabarzon.
Nabatid na naunahan pa ni Guanezo ang ibang mga biker sa hangganan ng Sto. Tomas, Batangas, Cavite at Laguna dakong alas-7:45 ng umaga.
Gayunman ilang saglit pa ay biglang nanikip ang paghinga nito at nabigong maisalba ang buhay.