MANILA, Philippines - Dismayado at kinondena ng may 500 dating promoter ng lokal na manpower agency kaugnay sa unfair labor practices kabilang ang 'di pagbibigay ng tamang sahod at kaukulang benebisyo.
Base sa sinumpaang salaysay ng mga promoter laban sa lokal na manpower agency na Temps & Staffers, Inc., kinakailangan nilang pumirma sa cessation of employment forms bago makuha ang kanilang pinahuling salary, 13th month pay, cash bond at iba pang benepisyo.
Nagsimula ang isyu nang matapos ang kontrata ng TSI sa multinational electronics company noong Hunyo 30, 2010 kung saan naapektuhan ang mga promoter.
Gayunman, walang nagawa ang mga promoter kundi pumirma sa kasunduan na bawal lumipat sa ibang manpower agency subalit sa polisiyang no-work no-pay ng TSI ay minabuti ng mga promoter na balewalain ang nakasaad sa nabanggit na forms.
Inatasan naman ng TSI ang mga promoter na naapektuhan na maghintay ng panibagong proyekto para maibigay ang kaukulang benepisyo subalit walang kasiguruhan sa mga apektado.
Kasunod nito, aabot sa 13 promoters naman ang nagsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission sa hindi pagbabayad ng ika-13 sahod at cash bond ng TSI matapos hindi pumirma sa cessation of employment form kung saan ang resolusyon ng kaso ay nakabinbin pa rin sa NLRC.