Bahay sinuwag ng truck: 2 patay, 6 pa sugatan

MANILA, Philippines - Dalawa  katao ang nasawi habang anim pa ang nasugatan makaraang aksidenteng suwagin ng truck ng basura ang isang bahay sa Cebu City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang mga nasawi na sina Elvie Mabatin, 25, kustomer ng motor shop at ang mekanikong si Joseph de los Santos, 21 taong gulang; kapwa nag-aayos ng motorsiklo ng mangyari ang insidente.

Kabilang naman sa mga nasugatan ay ang driver ng truck na si Gerardo Lasingue, 56; Jojo Ocampo, may-ari ng shop; Alvin Medija, Charles James Bakunawa, Shine Nicole Romanas, 2-anyos at isa pa na 'di natukoy ang pagkakakilanlan na isinugod sa pagamutan upang malapatan ng lunas.

Ang naturang truck na may plakang SHM -376 ay pag-aari ng pamahalaang lungsod.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kasalukuyang nangongolekta ng basura ang naturang truck na minamaneho ni Lasingue nang suyurin nito sina Mabatin at de los Santos sa Brgy. Kalunasan ng lungsod  pasado alas-2 ng hapon ng masiraan ito ng makina na nagbunsod sa trahedya.

Matapos ito, tuluy-tuloy ring sumalpok ang truck sa bahay ni Brgy. Kalunasan Councilor Oliver Ocampo na ikinasugat naman ng iba pang biktima. Isinasailalim na sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.

Show comments